SA TOTOO LANG.

Standard

Sa totoo lang:

Nais kong makita ang mga nakaluklok sa pwestong makulong, damhin ang malamig na rehas na malayong malayo sa mga tintirahan nilang mga mansyon at condominium na de-aircon;

Nais kong makatabi nila matulog ang mga ordinaryong mamamayan na itinuring nilang masahol pa sa ipis at daga;

Nais ko silang tubuan ng sari-saring sakit sa balat dala ng matinding init sa loob ng kulungan. Magurlisan ang kanilang mga balat na kanilang pinakiingat-ingatan—ang mga mukha nilang pina-botox at pina-Vicky Belo gamit ang pera ng bayan;

Nais ko silang masuka habang kumain ng pagkaing baboy;

Gusto ko silang mahiga sa matigas na tarima, hindi sa malalambot nilang mga kama;

Gusto ko ng maramdaman nila maging isang Andrea Rosal, Miradel Torres, Eduardo Sarmiento, Moreta Alegre, Rolando Pañamogan, Wilma Austria, Benito Timazon, Kim Gargar at napakarami pang bilanggong pulitikal nakakulong at pinagmamalupitan ng mga kagaya nila.

Gusto kong marinig ang kanilang mga panaghoy, ang pagsigaw nila ng inhustisya, na hindi makatao ang kanilang kalagayan. Gusto kong maranasan ang buhay at sistema na kinakanlong ng mga katulad nila.

Gusto kong halikan nila ang mga paa ng mga maralitang puno ng kalyo, dumi at putik.

Gusto ko silang yumuko, manguyapit sa mga amoy-pawis na mga manggagawa at magsasakang nagpapalamon sa kanila.

Gusto kong pumapel sa kanilang pelikula bilang kontrabidang humahalakhak habang pinapanood silang nanginginig sa takot.

Dahil marapat lamang nilang matikman ang klase ng lipunang pinapanatili at ipinagtatanggol nila.###

PALAYAIN ANG LAHAT NG BILANGGONG PULITIKAL!

free all

Leave a comment